By Kid Orit
“Sa ikauunlad ng bayan, bisikleta ang kailangan”
—Ariel Ureta
Kapag natutuha’y di na nalilimot.
Kahit matagal nang di nakakapadyak,
tuloy lang ang gulong sa kanyang pag-ikot.
Nais mong mamasyal, kahit na pagsubok
sa aking balanse itong pag-aangkas,
noong natutuha’y di na nalilimot.
Mahigpit ang kapit, may kaunting takot,
ang mga kamay mong nanlamig ang balat—
tuloy lang ang gulong sa kanyang pag-ikot.
Kung sa’n man abutin ang ating paglibot,
ang mga mata mo’y may ningning at galak—
isang alaalang di na nalilimot.
Tinuruan kita kung pa’no itukod
ang paa mo, bago sumemplang. Gumasgas
tuloy itong gulong sa kanyang pag-ikot.
Di ko naiwasang matisod, mahulog
sa mga tuhod mong nagkasugat-sugat.
Nasasaktan tayo nang di makalimot
kahit pigilan pa ang gulong. Iikot.