Baliw daw ‘yon.
Sabi ng aking ama, sabi ng aking ina, sabi ng aking kuya, baliw daw talaga ‘yong mamang ‘yon. Ganoon din ang sabi ng halos buong baryo namin.
Parang pyesta nang umagang ‘yon. Tumigil ang lahat ng gawain sa munting baryo namin.
Hindi nanungkit, nagbiyak, nagpausok ng niyog ang mga nagkokopra.
Hindi naglaba sa sapa o sa poso ang mga nanay. At maging ang aking kuya at ilang binatang hilig nang makiigib dahil may mga dalaga ring laging naglalaba ay wala sa sapa o sa poso.
Nagsara rin ang pondohan ng aking tiya. Pati na ang mahihilig mangutang sa aking tiya ay tumulong pa sa pagsasara ng munting tindahan-kainan ng aking tiya.
Hindi nakapagsimula ang bingguhan sa ilalim ng trapal na nakasabit sa nabuwal na puno ng mangga.
Ang mga nag-aayos ng kural ng mga baboy ay huminto sa paggawa. Tatlong baboy ang nakatakas ngunit walang humabol sa mga ito.
Ang mga tauhan ng munispyo na magtatambak sana sa mga lubak ng kalye ay hindi na rin nakapagsimula. Hindi naman nagalit si Kapitan
kahit nauntog siya nang malubak ang kanyang owner na jeep. Pinasakay pa nga niya ang ilan sa mga trabahador.
Ang mga naglalako ng isda, puto, tinapay, at mga prutas ay hindi na rin gumalugad sa mga bahay-bahay. Parang mga pato silang buntot-buntot sa paglalakad patungo sa may baybay ng dagat.
Pati na ang kubrador ng huweteng ay nakibuntot. Gayundin ang mga magsusuyod sana ng kanilang pinitak sa gilid ng bundok, ang mga mag-uuling, at pati na ang mga istambay sa bilyaran ay sa iisang direksyon tumungo.
Ngunit higit sa lahat, ang mga guro namin sa elementarya ay hindi na rin nagklase.
Tanaw ko sa bintana ang aming mga guro. Ang bagong guro namin ay nagsusuklay pa ng kanyang basang buhok. Ang pinakamatanda namang guro namin na halos hindi na makausad dahil laging may maraming dalang libro at notebook ay parang bagong gising na kabayong maliksing hila-hila ang kanyang karitela.
Kaya pati ako noon ay nakibuntot na rin. Nagtatalak ang aking ina dahil hindi pa man lang daw ako nag-aagahan. Ngunit nang makita niya ang animo’y prosesyon ng buong baryo ay ako pa ang hinila papanaog ng bahay.
Sa liit kong iyon ay halos mapipi na ako ng mga nagsisiksikan. Wala na rin akong halos makita sa pinagkukulumpunan ng nagpipistang baryo namin.
Panay salita na lang ang naglalarawan para sa akin; kahit papaano ay nabubuo sa aking isip kung ano nga ba ang itsura ng mamang iyon.
“Nangingintab ang balat.”
“Baka kalisikis ang mga yan.”
“Syokoy!”
Nag-atrasan ang mga kababaryo ko. Sisingit sana ako sa isang siwang na nalikha ng kanilang pag-atras para makita ang mama, ngunit gayunding kabilis ay nagsara ito at lalo akong naipit.
“Ano bagang syokoy.”
Ang Kapitan ang nagsasalita na para bang pinipigil na kumalat ang takot ng ilan.
“Kita na ninyong may mga paa. Walang hasang, walang…”
“Ay bakit po walang saplot?”
“’Yan ay para malaman natin kong lalaki o babae ang nilalang na ito.”
Nagtawanan nang labis ang mga naroroon. Sa kanilang pagtawa ay parang mga nag-uumpugang bato ang kanilang mga puwit sa aking mukha.
“Hala, magsiuwi na kayo. Tapos na ang palabas. Tabi kayo riyan at dadalhin na namin sa bayan ito nang maimbalsama.”
Ngunit ayaw umalis ng mga tao. Marami pa silang mga katanungan at mungkahi tulad ng: sino ba siya? saan galing? bakit may tatu? dapat ianunsyo sa radyo, litratuhan muna. Ang daming mga tanong at mga mungkahi.
Hanggang sa may nagtanong. “Patay na nga ba ‘yan?”
Biglang tumahimik ang lahat.
Saka ko pa lang narinig ang banayad na hampas ng alon sa baybay.
Parang napakatagal na katahimikan iyon. At wala ring gumagalaw sa mga naroroon. Para bang nakonsyensya sila na agad nilang ipinalagay na patay na nga ang mamang iyon.
“Hindi humihinga. Hindi kumikilos. E, di patay na nga,” pagmamakatuwiran ng Kapitan. Saka halos makita ko sa aking isip ang sinasabi ng Kapitan.
“At kahit pa itaas ko ang kanyang kamay, at diinan ang kanyang tiyan…”
Nagkagulo na po.
Nagpulasan ang ilan. Nagtilian ang ilan, Niyakap ako ng aking ina. Nabundol-bundol kami. Nagtalsikan ang mga buhangin.
“Buhay! Buhay pa siya!”
Sumuka raw ng tubig ang mama nang diinan ng Kapitan ang tiyan ng mamang hubad.
Kahit tanghaling tapat na ay nakakulumpong pa rin kaming lahat sa labas ng bahay ng Kapitan. Nagpapahinga na raw ang mama roon. At, nakakain na rin. At, nadamitan na rin. At, nabigyan na rin ng gamot sa konting sinat niya.
Iyon ang mga naririnig kong kwentuhan sa labas ng bahay. May mga nagdala na rin ng kanikaniyang bangko sa kanilang paghihintay ng kung ano pa ang susunod na malalaman nila.
Laking tuwa ng mga naglalako dahil hindi na sila kailangang gumalugad pa sa buong baryo para magtinda. Nandoon na ang buong baryo sa labas ng bahay ni Kapitan.
Laking tuwa rin ng nangungubra ng huweteng.
Doon na rin pumuwesto ang mga nagbibingo.
Pati nga ‘yong mga baboy na nakawala ay doon na rin gumala. Nakaamoy yata ng pagkain.
Labas-masok ang kanang-kamay ng Kapitan. Sa kada labas-masok niya ay may kung anong umuugong na balita tungkol sa mama.
“Sabi ko na mangingisda rin ‘yan, e?”
“Tiyak ko, inabot ng bagyo ‘yan. Tumaob ang bangka.”
“Bagyo? ‘Ala namang bagyo, a.”
“May bagyo.”
“Saan?
Hindi na nakasagot ang nagmamagaling. Dahil ang sinasabi niyang bagyo ay nasa Kabikulan pa raw.
“Dalawang araw iyon, kung may motor ang iyong bangka.”
“Apat hanggang limang araw naman kung mananagwan ka.”
“At kung maglalangoy ka…”
Hagalpakan na ng kantyaw at tawa ang inabot ng nagmamagaling. Baka dalawang linggo raw na paglalangoy ‘yon; kung hindi ka napapagod at nagpapahinga.
Kahit sino raw sa kanilang mahuhusay na manlalangoy ay hindi pa nakaranas na maglangoy ng dalawang linggong walang tigil. ‘Yong dalawang
oras nga lang na paglalangoy ay napakahirap na.
Nang humapon ang mga manok sa mga sanga ng mga puno ng rimas sa harapan ng bahay ni Kapitan, nandoon pa rin kami.
Ang ilang kalalakihan ay naglabas na ng lambanog at baraha. Nagpalabas na rin si Kapitan ng ekstensyon ng ilaw, kape at assorted na biskwit.
Hindi pa raw nasasapol ng mama ang kanyang pangalan. At kung ano-anong kwento raw na nagkakabuhol-buhol ang pinagsasasabi.
“Mga kwarenta raw mahigit siguro.”
“Posibleng pamilyado na.”
“Nakatuntong siguro ng hayskul, pag hindi nagtatagalog ay nag-iingles.”
“How do you do?”
Sabay bunghalit ng tawanan ang mga nag-iinom. Palibahasa’y ‘yong “how do you do” lang daw ang alam nilang iingles. At kung sila raw ang nakalambat sa mamang ‘yon ay tiyak na hindi sila magkakaunawaan.
“Pero matatas sa Bikol.”
Tumingin lahat ang nandoon sa kaninang nagmamatigas ng binagyo sa Bikol ang mamang ito. Biglang tumahik ang lahat; kahit panandalian lamang.
Lumabas ang kanang-kamay ng Kapitan na iiling-iling.
“Baliw. Baliw ang mamang ‘yan.”
Gusto raw ng mamang ‘yon na bumalik sa dagat upang pasalamatan ang isang pawikang may malaking gurlis sa likod.
“Pasalamatan sa ano?”
Ang pawikan daw na ‘yon ang nagligtas sa kanya.
“Baliw nga. Ganyan din ako noon. Tatlong araw sa dagat. Gutom at uhaw ang nagpabaliw sa akin. Nang makita ninyo ako na lulutang-lutang sa kapirasong katig ng aking bangka ay di ba, tinawag ko kayong mga syokoy?”
Pero bumalik din daw ang kanyang katinuan nang makakain at makapagpahinga.
Pero nakakain na ang mama at nakapagpahinga na. Ngunit nababaliw pa rin.
Pumasok na naman ang kanang-kamay ng Kapitan. Kasama na ngayon ang hepe ng pulis mula sa kapitolyo.
“Sabi kzo na sa inyo, kriminal ‘yan. May tatu kasi.”
Lumabas na naman ang kanang-kamay ng Kapitan. At pumasok uli. Kasama naman ang pare.
“Sabi ko na sa inyo, kampon ni Satanas ang mamang iyan. Pitong taon tayong mamalasin. Salot ang mamang iyan.”
Lumabas, pumasok, lumabas… Kasama ang kung sino-sino at kung ano-ano rin ang mga haka-haka nila sa kung anong uri ng nilalang ang mamang iyon.
Isang buwan pang nagpalaboy-laboy ang mamang iyon sa aming baryo. Ngunit wala nang nais lumapit sa kanya.
Ako, gusto ko; para man lang makita ko ang mamang iyon. Ngunit kahit mula sa malayo, nababanaagan ko pa lamang ang mamang iyon ay…
“Lumayo kayo d’yan, mga bata. Baliw ‘yan.”
Maraming umangal kay Kapitan dahil baka raw manakit ang mamang ito. Nagmungkahi pa sila na iligaw na lang ang mama para mawala ang tinatawag nilang salot sa aming baryo. Lalo pa nang naging kakaunti ang huli ng mga isda. Sa mama nila ibinunton ang dahilan.
Naipanawagan na sa radyo ang itsura at pangyayari sa mamang ito. Ngunit walang pumasyal sa aming munting baryo para kunin siya. Hanggang noon ay hindi niya matandaan ang kanyang pangalan at tirahan. Ang tanging natatandaan niya ay ang pawikan na tumulong sa kanya. At sa tuwing nababanggit niya ang pawikan ay agad nagsisialisan na ang mga tao.
Gusto kong magpaiwan para malaman ang buong kwento niya pero hinahatak kami ng mga nakatatanda sa amin. Mula sa malayo, habol ko siya ng tingin at batid kong habol din niya ako ng tingin habang pinaghihiwalay kami.
Isang araw, naglaho na lang nang basta ang mamang iyon. May nagsasabing bumalik daw sa dagat para hanapin ang kanyang pawikang may malaking gurlis sa likod.
May mga nagsabing, naglakad na lang daw ito nang naglakad palabas ng aming baryo. May nagsabing kinuha na raw ito ng mga demonyo. May nagsabing inaresto na raw ito ng mga pulis.
Marami silang palapalagay na kanilang pinaniniwalaan. At kapag may nagsasabi ng hindi nila pinaniniwalaan ay agad nilang binabara ito at binabansagang: “Para ka namang si Pawikan.” Matunog na tawanan ang susunod sa akusasyong ito.
“Pawikan. Pawikan.”
Iyan ang ibinansag nila sa akin mula nang sumabad ako sa usapan ng mga may kanikaniya nang pinaniniwalaan.
“Bumalik na po ang katinuan ng mamang ‘yon at kusang bumalik sa kanilang bayan sa Bikol.”
“Sinungaling. Kung totoong bumalik ang katinuan ng mamang iyon, bakit hindi man lang nagpasalamat sa atin? Wala ba siyang utang na loob sa ating pagsagip sa kanya?”
“Kung bumalik na ang kanyang katinuan, ano ang kanyang pangalan?”
“Saan siya nakatira?”
“Bakit siya may tatu?”
Marami pang tanong na hindi ko masagot ang sunod-sunod na nang-usig sa akin. Hindi naman iyon kasi ang ikinuwento sa akin ng mamang iyon isang dapit-hapong nangunguha ako ng panggatong sa may daang palabas ng aming baryo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaharap kami. At ang tanging ikinuwento niya ay:
Mangingisda siyang taga-Bikol. Isang bagyo ang nagpalubog sa kanyang bangka. Dalawang araw siyang palutang-lutang sa tulong ng isang sisidlang plastik. Nang manghina na siya ay nakatulog. Nagising na lang
siyang nakasakay sa likod ng pawikang may malaking gurlis sa kanyang likuran. Wala na ang sisidlang plastik. Tuwing nagugutom siya, kinakain niyang paunti-unti ang kanyang damit.
Sa tuwing maiidlip siya, tutuka-tukain siya ng pawikan para magkamalay. Ngunit nang huling pagkatulog at pagkagising niya, nakita niyang nilalambat siya ng mga mangingisda. At, nakatulog uli siya. At, nagising sa baybay ng bayan namin.
Dala-dala ko ang suliraning ito: ano ang gagawin ko sa katotohanang ayaw paniwalaan? Paulit-ulit kong ikinukuwento ang kwentong ito sa aking mga anak, sa mga kaiskwela ng aking mga anak, sa iba pang mga bata, hanggang sa aking mga apo na hindi nakasaksi sa kwentong ito. Inililihim ko nga lamang na ako ang batang binansagan nila ng “Pawikan. Pawikan.”
Hindi na nagbalik ang mamang ‘yon. Hindi ko pa rin nakikita ang pawikang may malaking gurlis sa likod hanggang ngayong isa na akong matandang mangingisda.
Ngunit hanggang ngayon ay naniniwala ako sa kwentong ‘yon ng mamang tinawag nilang baliw. Naniniwala ako dahil nakikita ko pa ang lamlam ng malungkot niyang mga mata noong bago siya biglang naglaho na lang sa aming bayan.
“Dinaramdam ko, bata, na sa iyo ko nasabi ang katotohanan. Ikaw lang kasi ang nagbigay ng pagkakataon sa akin.”
Sapat na iyon para paniwalaan ko siya.
Dala-dala ko ang katotohanang ‘yon. Kaya hanggang ngayon ay ikinukuwento ko ito kaninuman; may maniwala man o wala.
***
Ang mga naglalako ng isda, puto, tinapay, at mga prutas ay hindi na rin gumalugad sa mga bahay-bahay. Parang mga pato silang buntot-buntot sa paglalakad patungo sa may baybay ng dagat.
Saka ko pa lang narinig ang banayad na hampas ng alon sa baybay. Parang napakatagal na katahimikan iyon. At wala ring gumagalaw sa mga naroroon. Para bang nakonsyensya sila na agad nilang ipinalagay na patay na nga ang mamang iyon.
“Baliw nga. Ganyan din ako noon. Tatlong araw sa dagat. Gutom at uhaw ang nagpabaliw sa akin. Nang makita ninyo ako na lulutang-lutang sa kapirasong katig ng aking bangka ay di ba, tinawag ko kayong mga syokoy?”
Marami pang tanong na hindi ko masagot ang sunod-sunod na nang-usig sa akin. Hindi naman iyon kasi ang ikinuwento sa akin ng mamang iyon isang dapit-hapong nangunguha ako ng panggatong sa may daang palabas ng aming baryo.
Paulit-ulit kong ikinukuwento ang kwentong ito sa aking mga anak, sa mga kaiskwela ng aking mga anak, sa iba pang mga bata, hanggang sa aking mga apo na hindi nakasaksi sa kwentong ito. Inililihim ko nga lamang na ako ang batang binansagan nila ng “Pawikan. Pawikan.”